Namahagi ng malinis na inuming tubig ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Mindanao dulot ng shearline.
Ayon sa MMDA, pumalo sa halos 10,000 water gallons ang kanilang naihatid sa mga komunidad na binaha partikular na sa Misamis Occidental.
Nabatid na nagdala ang ahensya ng water filtration system upang maghatid ng malinis na tubig sa halos siyamnaraang pamilya sa Barangay Tuburan at Tawi-Tawi, munisipalidad ng Aloran; East Poblacion, at munisipalidad ng Lopez Jaena na ngayon ay patuloy na nakararanas ng limitadong suplay ng tubig.
Ito’y matapos maputol at masira ang mga linya ng tubig sa lugar na pangunahing pinagkukunan ng mga residente sa lugar.
Ang 20 units ng water purifier system na dala ng mga tauhan ng MMDA ay kaya umanong makapag-filter ng aabot sa 180 gallons ng tubig kada oras.
Sa ngayon, patuloy pang nagsasagawa ng humanitarian at relief operations ang mga otoridad sa mga apektadong pamilya sa nasabing mga lalawigan.