Muling sinuyod ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) – Task Force Special Operations ang ilang bahagi ng Quiapo, Maynila bilang bahagi ng paghahanda sa pista ng itim na Nazareno sa Lunes, Enero a – nwebe.
Agarang pinuntirya ng MMDA ang mga tricycle at iba pang sasakyang iligal na nakaparada sa Carlos Palanca Street habang tiniketan ang mga nasa tapat ng ilang hotel.
Ito’y dahil wala nang bisa ang Memorandum of Agreement (MOA) na nagpapahintulot sa pagparada ng mga sasakyan sa naturang lugar simula pa noong December 31, 2022.
Pinaghahatak naman ang mga nakaparada sa Quezon Boulevard kahit batay sa pahayag ng ilang parking attendant ay nagbayad ang mga vehicle owner para sa parking space.
Gayunman, iginiit ni Task Force Chief Bong Nebrija na suspendido ang pay parking simula pa noong Martes pero may iilan pa ring parking attendants ang nag-iisyu ng tickets.
Dapat anyang maging malinis at maluwag ang mga kalye sa Quiapo at iba pang daanan malapit sa Quiapo Church upang maayos na maisagawa ng mga deboto ang kanilang walk of faith. – sa panulat ni Hannah Oledan