Muling nagmahal ang sibuyas sa ilang palengke sa Metro Manila, ilang araw bago ang anihan.
Sa Balintawak Market, umabot sa P560 ang kada kilo ng sibuyas habang nasa P600 sa Kamuning Market sa Quezon City matapos magka-ubusan ng supply, kahapon.
Ito ang dahilan kaya’t ilang mamimili ang pumila sa Kadiwa Store sa tanggapan ng Department of Agriculture kung saan mas mura o P170 ang kada kilo.
Gayunman, 800 kilo lamang ang ibinentang sibuyas na mula sa Nueva Ecija na agad namang naubos.
Magugunitang inihayag ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura na posibleng magmura na ang sibuyas dahil sa inaasahang pagsisimula ng anihan sa Ene. 15.
Samantala, nagmahal naman ng P10 hanggang P20 ang ilang gulay gaya ng ampalaya P120 kada kilo mula sa dating P100; repolyo, P80 mula sa dating P70;
Patatas, P130; Kamatis, P100; Talong, P120, Carrots P100, kada kilo at Sitaw, P15 kada tali habang walang masyadong paggalaw sa presyo ng mga karneng manok, baboy, baka at isda.
Ang pagtaas ng presyo ng mga pagkain ang pangunahing dahilan ng pagbilis sa 8.1% ng inflation rate sa bansa noong Disyembre.