Aminado ang Manila Police District (MPD) na hirap ang kanilang mga tauhan sa pagpapatupad ng seguridad partikular na ang health and safety protocols sa kauna-unahang pagdiriwang ng “Walk of Faith” na nagsimula kahapon sa Quirino Grand Stand patungong Quiapo Church.
Kasunod ito ng ilang mga deboto na nakitang hindi sumunod sa mga ipinatutupad ng mga otoridad at Minor Basilica kung saan, may ilang hindi nagsusuot ng facemask.
Nagkaroon din ng tensiyon sa pagitan ng mga deboto sa Plaza Miranda dahilan para maitala ang ilang mga nasugatan habang mayroon ding mga nahilo na agad namang nabigyan ng medical assistance ng Philippine Red Cross (PRC).
Ayon kay MPD Dir. PBGEN. Andre Dizon, inaasahan na nila na magiging “Uncontrollable” ang paggunita ng Pista ng Itim na Nazareno dahil sa pagdagsa ng mga deboto.
Iginiit ni Dizon, na maraming deboto ang nakiisa at nag-unahang makapasok sa loob ng simbahan para sa kanilang debosyon, pasasalamat, at pagpupugay sa Black Nazarene pero napanatili pa rin ang pagiging disiplinado ng mga Pilipino at walang naitalang ano mang uri ng krimen sa lugar.
Sa ngayon, pumalo na sa 15 ang bilang ng mga sugatan matapos madagdagan kabilang na ang dalawang indibidwal na isinugod sa ospital dahil sa heart disease.