Posibleng bulalakaw ang bumagsak na unidentfied flying object na mistulang bolang apoy na namataan sa Palawan, noong Enero 7.
Ito ang nilinaw ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa kabila ng mga pangambang missile o bahagi ng rocket mula China ang misteryosong bagay nang masaksihan ito ng ilang residente sa mga Bayan ng Bataraza at Rizal.
Namataan ang nasabing bagay gabi noong Sabado na sinundan ng isang malakas na pagsabog.
Ayon sa PhilSA, batay sa nakalap na impormasyon, kabilang ang CCTV footage, hindi malayong isa itong maliit na bulalakaw lalo’t kadalasang nagkaka-pira-piraso ang bahagi nito sa himpapawid bago bumagsak.
Ang mga malalaki namang bulalakaw ay kadalasang hindi nagkakapira-piraso at buo itong bumabagsak sa lupa at nagdudulot ng isang malakas na tunog, gaya ng kulog.
Itinanggi rin ng ahensya ang posibilidad na bahagi ng chinese rocket na long march 7A, na pinalipad noong Sabado, ang namataan dahil malayo umano ang flight path nito sa Palawan.