Pansamantalang sarado sa mga motorista ang west bound lane ng Marikina bridge upang bigyang-daan ang pagsasaayos nito matapos makitaan ng mga bitak.
Kinumpirma ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na nitong Enero a – 6 ay nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen na nakakita sa bitak sa tulay kung saan may drainage project.
Matapos ang inspeksyon, nakita ang tatlumpung metrong bitak sa bukana ng tulay na dulot ng drainage project na ginagawa ng sub-contractor ng Department of Public Works and Highways.
Ayon kay Teodoro, napasukan na rin umano ng tubig ang hukay dahil sa mga pag-ulan nitong nagdaang linggo.
Umapela naman ang alkalde sa DPWH Na aksyunan ang kanilang hinaing at nagbabalang magdedemanda ang lgu kung hindi tutugunan ang problema.
Pinasusupinde rin ng lokal na pamahalaan ang DPWH project dahil mayroon anyang safety issue na dulot ang mga bitak sa tulay.
Samantala, nangako naman ang kagawaran ng agarang aksyon at isinara muna ang bahagi ng isang lane ng tulay na papuntang Cubao.
Nagsasgawa na rin ang DPWH-National Capital Region, ng geotechnical investigation upang aksyunan ang nangyari.