Target ng Senado na maipasa ngayong unang quarter ng taon ang panukalang mag-a-amyenda sa batas na nagtatakda ng tatlong taong fixed term sa matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines.
Ito ang inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa harap ng napapabalitang “sigalot” sa hanay ng militar.
Ayon kay Zubiri, naniniwala silang ang pag-amyenda sa Republic Act 11709 ay makatutulong sa katatagan ng AFP at magiging daan upang mawala ang tampo ng junior military officers.
Nagkausap na anya sila ni Senate Committee on National Defense Chairman Jinggoy Estrada hinggil dito kung saan may binuo na silang technical working group para pag-aralan ang panukalang amendment sa naturang batas.
Una nang inamin ni Estrada isang linggo bago sila mag-christmas break, na nilapitan siya ng isang opisyal mula sa Presidential Legislative Liason Office at hiniling na agad nilang ipasa ang panukalang amendment dahil sinertipikahan na itong urgent ng pangulo.
Gayunman, naubusan na anya sila ng panahon noon para ipasa ito bukod sa hindi niya nais madiktahan sa dapat gawin ng mataas na kapulungan ng Kongreso. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)