Magpapatuloy ngayong hapon ang pagdinig ng arbitral tribunal ng permanent court of arbitration sa The Hague, Netherlands sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China sa pag-angkin nito sa kabuuan ng South China Sea.
Ito na ang ikalawang round ng oral argument kung saan inaasahang lalo pang didikdikin ng legal team ng Pilipinas ang iligal na pananakop ng China sa malaking bahagi West Philippine Sea.
Matatandaan na sa unang tatlong araw ng first round, inilabas ng Pilipinas ang mga merito ng kaso laban sa China tulad ng kawalan ng basehan ng 9-dash line na ginagamit ng China para angkinin ang buong South China sea.
Sa ikalawang araw ng oral argument, sumentro ang diskusyon sa isinagawang reclamation activities ng china sa maraming bahagi ng South China Sea.
Dito ipinaliwanag ni Professor Philippe Sands na ang Mischief Reef, Second Thomas Shoal, Subi Reef, Mckennan Reef at Gaven Reef ay itinuturing na “low tide elevations” sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung kaya’t hindi ito maaaring angkinin bilang “territorial sea, exclusive economic zone or continental shelf”.
By: Mariboy Ysibido