Napatunayan ng Sandiganbayan na nagkasala si Maguindanao governor Datu Sajid Ampatuan sa mga kasong katiwalian at falsification na may kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto mula January 2008 hanggang September 2009.
Batay sa desisyon, hinatulang guilty sa 8 counts ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kung saan ginawaran si Ampatuan ng 8 taong pagkakabilanggo para sa bawat bilang o count.
Pinagbabayad din ito ng P22.36 milyon bilang civil indemnity sa pamahalaang panlalawigan.
Sinentensiyahan naman si Ampatuan at iba pa ng tig-anim na taon kada count habang pinagmumulta rin ng tig-P5,000 bawat kaso.
Samantala, pinatawan din ng kaparehong sentensiya sa kasong falsification sina project engineers Yahiya Kandong, Omar Camsa, Anthony Kasan Akmad Salim at Jaypee Piang.
Ang dalawa pang akusado na sina provincial accountant John Estelito Dollosa Jr. at provincial treasurer Osmena Bandilla ay nananatiling “at large” o hindi pa rin nahuhuli ng mga awtoridad.
Nag-ugat ang kaso sa naging findings ng Commission on Audit (COA) ukol sa mga maanomalyang proyekto tulad ng infrastructure projects at road repairs na ilan dito’y hindi nagawa o hindi natapos.