Pinaplano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na i-graduate na ang 500,000 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), upang magkaroon ng puwang para sa mas maraming benepisyaryo.
Ayon kay Edu Punay, officer-in-charge ng DSWD, ang 4Ps ay programa ng pamahalaan sa pagsugpo sa kahirapan na may layuning magbigay ng buwanang tulong pinansyal sa pinakamahihirap sa mga mahihirap.
Pangunahin din nitong layunin na linisin at i-update ang mga benepisyaryo lalo’t marami ang matatagal na sa programa na hindi naman patas para sa mga nasa waitlist.
Noong nakaraang taon, aabot sa 106,000 katao na ang nakapagtapos ng DSWD.
Para naman sa 2023, plano ng DSWD na tumanggap ng 600,000 bagong benepisyaryo.
Ang mga magtatapos sa programang 4Ps ay maaaring mag-aplay para sa pagsasama sa sustainable livelihood program upang maiwasan na mapabilang sa mga pinakamahihirap na pamilya.