Papalo na sa 97 % o 925 ng kabuuang 953 generals at colonels ng Philippine National Police (PNP) ang nakapaghain na ng kanilang courtesy resignation.
Bilang pagtalima ito sa panawagan ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr na layong linisin ang hanay ng pulisya laban sa iligal na droga, at sa gitna na rin ng deadline na itinakda ni PNP Chief, General Rodolfo Azurin Jr. hanggang January 31.
Nilinaw naman ni PNP Spokesperson, Police Colonel Jean Fajardo, na walang parusang maghihintay sa mga hindi magsusumite ng kanilang pagbibitiw, dahil ito ay boluntaryo lamang, tulad ng sinabi ni Secretary Abalos.
Ang mga miyembro ng 5-man committee ang magsasagawa ng pagsusuri sa mga opisyal na nagsumite ng kanilang courtesy resignation, upang matunton ang kanilang mga posibleng pagkakaugnay sa kalakalan ng iligal na droga.
Isa sa 5-man committee si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, isang retiradong heneral ng pulisya.