Dumating na sa Zurich International Airport sa Switzerland si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para dumalo sa World Economic Forum (WEF) 2023, na magaganap sa Enero 16 hanggang 20.
Alas-11:28 kagabi, dumating ang Pangulo sa Switzerland sakay ng Flight PR 001, matapos umalis sa Pilipinas kahapon ng umaga.
Kasama nito si First Lady Liza Araneta-Marcos at ang buong economic team.
Positibo naman si Pangulong Marcos sa magiging resulta ng pagdalo sa international forum, na magandang oportunidad upang maipagmalaki ang bansa bilang “leader and driver of growth and gateway” sa Asia-Pacific Region.
Daan din ang economic forum upang makipagpalitan ng pananaw at opinyon si PBBM sa iba pang lider, negosyante at mga eksperto hinggil sa mga napapanahong usapin sa kasalukuyan.
Ito ang kauna-unahang in-person meeting ng WEF, pinakamalaking public-private forum sa buong mundo matapos ang halos tatlong taon, na dadaluhan ng 52 pinuno ng iba’t ibang bansa.