Patuloy paring binabantayan ng Pagasa weather bureau ang low pressure area na nananatili parin sa silangang bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Pagasa weather specialist Aldczar Aurelio, mabagal ang pagkilos ng lpa na huling namataan sa layong 245 kilometers silangan ng Butuan City, Agusan del Norte.
Mababa parin ang tiyansa na maging bagyo ang naturang LPA pero asahan na uulanin ang bahagi ng southern Luzon habang ang hanging amihan naman ang nakakaapekto sa extreme northern Luzon.
Ang LPA din at inaasahang pagbalik ng shearline ang posibleng magdala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa Metro Manila, Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region.
Dahil naman sa hanging amihan, magiging maulap ang kalangitan na may mga mahihinang pag-ulan sa bahagi ng Cagayan Valley, at Isabela habang magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng northern at central Luzon maging sa Visayas at Mindanao maliban nalang sa mga isolated rain showers lalo na sa hapon hanggang sa gabi.
Patuloy paring maging alerto at makinig sa mga abiso ng lokal na pamahalaan kaugnay sa lagay ng panahon; doblehin ang pag-iingat lalo na sa posibleng banta ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan; magdala ng payong at iba pang panangga para sa biglaang pagbuhos ng ulan.
Agwat ng temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa 23 hanggang 30 degrees celsius habang sisikat ang haring araw mamayang 6:24 ng umaga at lulubog naman ito mamayang 5:46 ng hapon.