Inaasahang bubuksan muli ngayong araw sa mga motorista ang Marikina Bridge matapos isailalim sa ilang araw na pagkukumpuni bunsod ng mga nadiskubreng bitak.
Kinumpirma ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro na patuloy nilang mino-monitor ang structural integrity ng tulay upang matiyak na ligtas itong daanan ng maraming sasakyan.
Noong Sabado anya sana bubuksan ang tulay subalit pumalya ang Deep Cone Penetration Test kaya’t inulit ito kahapon.
Ang Deep Cone Penetration Test ay isinasagawa upang matiyak na tuyo at matigas na ang sementong itinapal sa mga bitak para ito madaanan ng mga sasakyan.
Para naman sa katatagan ng naturang istruktura, tiniyak ng alkalde na pasok ito sa safety standard.
Nito lamang Ene. 6 nang madiskubre ang mga bitak na dulot umano ng Sumulong Flood Interceptor Project ng Department of Public Works and Highways kaya’t isinara ang isang bahagi ng tulay.
Nasa 250,000 hanggang 300,000 motorista ang dumaraan sa Marikina Bridge kada araw.