Hinarang ng mga awtoridad sa paliparan ang 10 flight attendants ng Philippine Airlines o PAL dahil sa mga nadiskubreng sibuyas, lemon, strawberries at blueberries sa kanilang mga bagahe.
Sa report ni Deputy Collector for Passenger Services Atty. Ma. Lourdes Mangaoang kay Airport Customs District Collector Carmelita Talusan, ang 10 empleyado ng PAL ay dumating sa NAIA Terminal 1 lulan ng magkahiwalay na flights mula Riyadh at Dubai.
Isiniwalat ni Mangaoang na hindi idineklara ng mga crew sa customs baggage declaration form ang 27 kilos ng sibuyas, 10.5 kilos ng lemon, at isang kilo ng strawberries at blueberries kaya’t kinumpiska ang mga ito.
Ayon sa BOC, kinumpiska ang mga sibuyas at prutas matapos bigong magpakita ang mga crew ng import permit at phytosanitary permit mula sa Bureau of Plant Industry (BPI), na kailangan sa pagpasok ng produktong pang-agrikultura sa bansa.
Sinabi ni Mangaoang na agad na dinala sa Bureau of Plant Quarantine ang mga nakumpiskang items para sirain.
Sinabi ng BOC na alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act, ang mga importasyon ng mga plant products ay itinuturing na “Regulated Importations” na nangangailangan ng paunang clearance o permit mula sa kinauukulang regulatory agency ng gobyerno.
Nakatakda namang sampahan ng mga kaso ng Smuggling para sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Presidential Decree 1433 para sa Paglabag sa Plant Quarantine Law ng Customs at Bureau of Plant Industry ang sampung flight attendants.