Posibleng mayroong dayuhan na kumokontrol o nagdidikta sa desisyon ng pamahalaan sa industriya ng sibuyas at iba pang agricultural products.
Ito ang hinala ni Senate Minority Leader Koko Pimentel dahil lahat umano ng pasya at patakaran ngayon ay panggigipit sa mga lokal na magsasaka pero pumapabor sa mga importer at onion trader.
Naniniwala si Pimentel na walang Filipino ang manggigipit sa kapwa Pinoy.
Tinukoy ng Senador ang desisyon ng pamahalaan na mag-angkat ng sibuyas na ayon sa mga magsasaka ay papatay sa kanila dahil sasabay sa anihan ang pagdating ng mga imported onion.
Kahit anya ang mga storage facility ay nakareserba na sa mga imported na sibuyas o traders, ganito rin umano ang ginagawa sa ibang agricultural product kaya hindi nagiging produktibo ang nasabing sektor.
Kumbinsido naman ang mambabatas na ang bansang may malaking produksyon ng sibuyas ang ‘puppet master’ o nagpapagalaw ngayon sa gobyerno.
Batay sa datos na nakalap ng DWIZ, ang China ang nangungunang onion producer sa mundo na mayroong 24 million tons na produksyon kada taon.