Pumalo sa 4.3 milyong pamilya na nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang tinulungan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon.
Ito ang inanunsiyo ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Officer-in-Charge Undersecretary Edu Punay sa isang press briefing kung saan sinabi niya na ang bilang na iyon ay katumbas ng 98.3 percent ng target ng ahensya.
Ayon kay Punay, naglaan ang pamahalaan ng P100 bilyon na eksklusibo para lamang sa 4Ps program.
Sinabi ni Punay na nang manungkulan ang administrasyon noong Hulyo ng nakaraang taon ay layunin nitong linisin at i-update ang listahan ng mga benepisyaryo, alisin ang mga hindi na karapat-dapat tumanggap ng suporta, at tumanggap ng bagong batch ng beneficiaries.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Punay na nasa 106,000 beneficiaries ang naalis sa listahan bagama’t 1.3 milyon ang orihinal na dapat nakalabas na sa programa, sang-ayon na rin sa rekord ng DSWD.
Nasa P34.22 bilyon naman ang ginastos ng DSWD para sa AICS Program kung saan nakapaloob dito ang educational assistance habang matagumpay ding naipatupad ang Social Pension for Indigent Senior Citizens na nagsisilbi sa 3.75 milyon na senior citizens sa buong bansa.
Ang kagawaran, ayon kay Punay, ay gumastos ng P24.64 bilyon para sa Social Pension project habang kasabay nitong ipinagmalaki na matagumpay na nai-lobby ng DSWD sa Kongreso ang pagtaas ng social pension ng mga matatanda sa P1,000 mula sa dating P500.
Bukod dito, dalawang milyong kabataan din ang nakinabang sa Supplemental Feeding Program ng ahensya na ginastusan ng P4 bilyon noong 2022.