Mas pinapahusay pa ng administrasyon ang pagbubuo ng cybersecurity system na isang mahalagang bahagi ng isinusulong na digitalization sa burukrasya.
Ginawa ni PBBM ang pahayag sa ginanap na open forum sa World Economic Forum sa Switzerland kung saan ibinida niya ang digitalization initiatives ng gobyerno.
Bunga ng napakabagal na internet connectivity sa bansa, sinabi ni Pangulong Marcos na kailangang magdoble-kayod ang gobyerno para maabot ng milyon-milyong mga Pilipino ang isa’t isa at mapaigting pa ang mga hakbang tungo sa digital economy.
Ayon sa Pangulo, lumitaw sa mga pag-aaral na sa pamamagitan ng internet ay naisisiwalat ng publiko ang kanilang mga hinaing pero hindi naman ito nakakarating sa gobyerno.
Bunga nito, sinisikap na aniya ng mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng internet connectivity infrastructures upang maabot ang mga Pilipino sa mga rehiyon. Ipinunto pa ni Pangulong Marcos na may binubuo na ring mga database para sa National ID kaya’t bukas aniya ang pamahalaan para sa anumang tulong mula sa pribadong sektor upang maisakatuparan ang digitalization.
Sa ilalim ng Marcos administration, muling pinagana ang libo-libong offline areas na nasa ilalim ng Broadband ng Masa (BBM) at Free Wi-Fi for All programs ng Department of Information and Communications Technology (DICT).