Pinayuhan ng Bureau of Immigration – NAIA ang mga biyaherong nag-paplanong magdiwang ng Chinese New Year sa labas ng bansa na iproseso ang kanilang re-entry fees sa alinmang tanggapan ng BI bago ang flight.
Ito, ayon kay BI Port Operations Division Chief, Atty. Carlos Capulong, ay bunsod ng inaasahang pagdami ng mga pasahero na kukuha ng re-entry fees sa immigration cashier sa departure area sa tatlong NAIA terminals.
Karamihan anya sa mga ito ay Chinese resident sa Pilipinas na lalabas ng bansa upang magdiwang ng lunar new year.
Idinagdag ni Capulong na maiging kumuha na ng permit bago magtungong airport upang maiwasan ang mahabang pila sa immigration gaya nang nangyari noong isang linggo kung saan ilang pasahero ang naiwan ng eroplano.
Sa ilalim ng Immigration Law, ang mga dayuhan na rehistrado sa BI na may valid immigrant at non-immigrant visas ay kailangang kumuha ng secure exit at re-entry permits tuwing aalis ng bansa kabilang dito ang permanent residents, mga dayuhang estudyante at manggagawa na may hawak na balidong ACR i-cards.