“Huwag ninyong pakialaman ang testigo ng Senado sa imbestigasyon sa mataas na presyo ng sibuyas.”
Ito ang panawagan ni Senator Imee Marcos sa PNP, Department of Interior and Local Government at sa National Task Force To End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa gitna ito ng sinasabing utos ng DILG at NTF-ELCAC na papirmahin ng sinumpaang-salaysay o affidavit na bumabaliktad na sa kanilang ibinunyag sa Senado ang mga tumestigo.
Ayon kay Senator Marcos, natatakot na ang mga magsasaka ng sibuyas sa biglaang pagkatok ng pulis noong Miyerkules ng gabi hanggang kahapon ng umaga para papirmahin sa isang affidavit na nagsasabing binabawi na ang kanilang ibinunyag sa imbestigasyon ng Senado noong Lunes.
Kinuwestyon ng senador ang NTF-ELCAC kung itinuturing ba nilang CPP-NPA ang mga hamak na magsasaka sa mga liblib na lugar.
Hinaharass anya ng mga pulis sa Bayambang, Pangasinan si Nanay Merly o Merlita Gallardo na nabalo o na-biyuda makaraang magsuicide ang mister matapos malugi nang malaki sa pagtatanim ng sibuyas.
Pinapipirma umano si Nanay Merly ng affidavit na nakasaad na hindi totoo ang kanyang naging testimonya sa Senado at tinanong kung bakit ito dumalo sa imbestigasyon.
Napag-alaman ng presidential sister na inatasan kahapon ng Pangasinan Provincial Office ang Bayambang lgu na beripikahin ang testimonya na may limang magsasakang nagpakamatay dahil sa pagkalugi sa sibuyas.
Gayunman, may written report ang Bayambang Chief of Police na nagsasabing ang mister lang ni Nanay Merly na dating kagawad ang nagpatiwakal. —- Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)