Ilang araw bago ang pagdiriwang ng Chinese New Year, nagbabala ang toxics watchdog group na Ecowaste Coalition kaugnay sa pagbili ng lucky charms at amulets o anting-anting na may nakakalasong kemikal.
Ito’y matapos ang isinagawang test buys ng grupo mula sa ilang retailers sa Binondo at Quiapo sa Maynila.
Nabatid na 23 mula sa 35 nabiling lucky charms at amulets ay nagtataglay ng mataas na antas ng cadmium at lead.
Ayon kay Ecowaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero, kabilang ang cadmium at lead sa Philippine Priority Chemical List at mga kemikal na nasa Major Public Health Concern ng World Health Organization (WHO).
Umapela naman si Lucero sa mga manufacturer na lagyan ng maayos na label ang kanilang produkto, kabilang na ang paglalagay ng hazard warnings para na rin sa kapakanan ng mga mamimili.
Ayon sa WHO, mayroong toxic effects ang cadmium sa bato ng isang indibidwal gayundin sa skeletal at respiratory system, na itinuturing na human carcinogen.
Ang lead naman ay isang cumulative toxicant na nakakaapekto sa neurologic, hematologic, gastrointestinal, cardiovascular, at renal system ng tao.