Sumampa na sa mahigit 22.2 milyong SIM cards ang nairehistro na, tatlong linggo makaraang simulan ang mandatory registration period.
Ayon kay National Telecommunications Commission officer-in-charge Commissioner Ella Blanca Lopez, umabot na sa 22,298,090 ang SIM card registrants, as of January 18, o katumbas ng 13.20% ng kabuuang 168 million active SIM subscribers sa bansa.
Sa 22.2 milyon, ang Smart Communications Inc. ang may pinakamalaking bilang ng registrants na mahigit 11.1 milyon, sumunod ang Globe Telecommunications na may mahigit 9.3 milyon at DITO Telecommunity na may mahigit 1.8 milyon.
Samantala, sa pulong ng Inter-Agency Ad Hoc Committee for facilitation of SIM Registration in Remote Areas, inilatag ng NTC sa member agencies at telcos ang listahan ng mga lugar na tinukoy ng kanilang SIM Registration Act Task Force bilang remote.
Pahayag ni Lopez, kabuuang 65 remote areas ang tinukoy mula sa 15 rehiyon sa bansa.
Matatandaang nagsimula ang mandatory SIM card registration noong Dec. 27, 2022, alinsunod sa Republic Act No. 11934 o SIM Registration Act.
Itinakda naman sa April 26, 2023 ang deadline sa pagpaparehistro ng SIM cards.
previous post