Ipinanawagan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa Social Security System (SSS) na suspindihin muna ang taas-kontribusyon na ipinatupad simula nitong Huwebes.
Ayon kay Ed Lacson, Chairman ng ECOP, dapat bigyan ng pagkakataon ang mga negosyo na makabangon mula sa pagkalugi, lalo’t ilang Small and Medium Enterprises (SMES) ang kinailangang magsara sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Hindi rin dapat bigyan ng karagdagang pasanin ang mga employers na ikinokonsidera ang kapakanan ng kanilang mga empleyado.
Nabatid na mula sa 8.5% na bahagi noong 2022, sasaluin ng employers ang 1% pagtaas dahilan para pumalo sa 9.5% ang kanilang kontribusyon sa SSS ng kanilang mga empleyado.
Katumbas ito ng P40 na pagtaas para sa bawat empleyado na may suweldong P4,000 pababa, at P100 pagtaas para sa bawat empleyado na may suweldong hindi bababa sa P10,000.
Gayunpaman, binigyang-diin ng SSS na ang pagtaas ng kontribusyon ay kinakailangan upang mapondohan ang mga benepisyong ibinibigay sa mga miyembro nito, kabilang ang pensiyon at kawalan ng trabaho.