Nasawi ang isang 13-anyos na mag-aaral matapos itong saksakin ng kaniyang kapwa estudyante sa isang paaralan sa Quezon City.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, naganap ang insidente alas-5:45 ng umaga sa harap ng isang silid-aralan sa Culiat High School sa Tandang Sora Avenue, Barangay Culiat.
Kapwa Grade 7 student ang dalawang mag-aaral ngunit 15-anyos na ang suspek.
Kwento ng mga otoridad, nasa loob ng silid-aralan ang biktima na naghihintay ng pag-uumpisa ng klase nang dumating sa labas ng classrom ang suspek at hinanap ang biktima.
Nang palabas na ang biktima, agad nilabas ng suspek ang isang kutsilyo at sinaksak ang biktima sa kaliwang parte ng dibdib.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang insidente ngunit nahabol to ng mga rumespondeng Pulis at Barangay Public Safety Officers.
Tinangka pang isugod sa New Era General Hospital ang mag-aaral pero idineklara itong patay alas-6:20 ng umaga.
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng PNP ang dahilan ng pananaksak.