Sumampa na sa 39 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pag-ulan at pagbaha dulot ng Low Pressure Area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), siyam ang naitalang namatay sa Bicol region; 7 sa Eastern Visayas; 12 sa Zamboanga Peninsula; 8 sa Northern Mindanao; at tag-1 sa Davao region at Soccsksargen gayundin sa Mimaropa.
19 mula sa nasabing bilang ang naberipika na at 20 naman ang inaalam pa.
Nananatili sa 12 ang sugatan mula sa Mimaropa, Region 5, Region 9 at Region 10 at 5 ang nawawala.
Umabot naman sa 475,983 na pamilya o katumbas ng 1, 941,146 na indibidwal ang naapektuhan.
Nakapamahagi na rin ang pamahalaan ng 102, 126, 967 pesos halaga ng tulong sa mga biktima.
Samantala, pumalo na sa 858, 685, 135 pesos ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura habang aabot sa 430, 487, 624 pesos sa imprastruktura.