Pagkalat ng mga smuggled na frozen chicken ang itinuturong dahilan nang pagnipis ng supply ng itlog at pagtaas ng presyo nito sa bansa.
Ito ang inihayag ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda sa gitna nang “nangingitlog” na problema sa local poultry industry.
Ayon kay Salceda, ang problema sa itlog ay anak ng problema sa supply ng manok at ang pagkaunti ng mga nag-aalaga nito o populasyon ng manok ang puno’t dulo ng egg shortage at price increase sa bansa.
Una nang inihayag ni Philippine Egg Board President Irwan Ambal na 20% ang ibinaba ng populasyon ng paitluging manok sa Luzon simula noong Enero ng nakaraaang taon dahil sa bird flu outbreak.
Sinabi naman ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So na aabot na sa P15-B ang nawalang kita sa poultry industry noong 2022 dahil sa pagpasok ng P25.4-B na halaga ng smuggled meat, kabilang ang P4-B na halaga ng frozen chicken.
Dahil dito, hinimok ni So ang gobyerno na buhayin ang Pre-Boarding Inspection Process para sa imported products upang mapigilan ang pagpupuslit ng agricultural products.