Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant Industry (BPI) na walang oversupply ng kamatis sa bansa.
Ito’y sa gitna ng viral social media post kung saan nakita ang mga kamatis na itinapon basta-basta sa isang bakanteng lote sa Nueva Vizcaya.
Ipinaliwanag ni BPI Spokesperson Jose Diego Roxas, isolated case lamang ang naturang insidente at hindi pasok sa nakasanayang kalidad ang mga kamatis na itinapon.
Ayon kay Roxas, gusto ng buyers ay medium to large at semi-ripe pero maliliit at over-ripe ang mga nakita kaya hindi nabili at sa halip na ibalik sa origin ay itinapon na lamang dahil mas mahal ang gastos sa krudo.
Kakulangan anya sa processing plants para gumawa ng tomato products tulad ng tomato paste at sauce ang iniinda ng bansa ngayon at hindi ang oversupply.
Ito rin umano ang dahilan kaya’t nag-aangkat ang Pilipinas ng processed tomato products.