Pinayagan nang makakuha ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 100,000 sasakyan na nakarehistro sa Grab.
Ito ay matapos gumawa ng “investment pledge” ang ride-hailing company kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes na maaaring magresulta sa paglikha ng 5,000 trabaho sa mga Pilipino.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, kabilang sa nabigyang-prangkisa ang mga 4-wheeled vehicles at motorcycle taxi na layong tugunan ang tumataas na demand sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Nilinaw naman ni Guadiz na inisyal pa lang ang datos dahil maaaring pa itong madagdagan sa susunod na tatlong buwan, para matugunan ang pangangailangan ng mga commuters.
Sinisikap din aniya ng LTFRB na magbigay ng prangkisa sa mga sasakyang de-motor sa iba pang lungsod gaya ng Bacolod, Iloilo, Cebu, at Davao.
Sa ngayon, maglalabas ang LTFRB ng dalawang memorandum circulars na nagdedetalye ng mga alituntunin at kwalipikasyon para sa mga tsuper ng tnvs, na kinabibilangan ng labing-limang oras na seminar tungkol sa kaligtasan sa kalsada.