Mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magpadala ng agarang tulong sa clean-up ng oil spill na dulot ng paglubog ng motor tanker (MT) Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Pahayag ni Presidential Communications Office Sec. Cheloy Garafil, tinitingnan na ng DENR ang paghingi ng suporta mula sa mga kalahok sa Balikatan, isang taunang aktibidad ng Armed Forces of the Philippines at United States Armed Forces.
Sa nangyaring pulong sa Malacañang, sinabi ni DENR Secretary Antonia Loyzaga na makikipag-ugnayan ang ahensya sa United States (US) Embassy hinggil sa posibilidad na makapag-deploy ng participants mula sa joint military drills para makatulong sa clean up.
Sinasabing nagpaabot din ng intensyon ang Japan at South Korea na tutulong sa pagkontrol ng pinsala.
Bukod dito, tuloy-tuloy din ang pakikipagtulungan din ng DENR sa mga local government units at sa may-ari ng oil tanker habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naatasan na maglaan ng pondo para sa cash-for-work program para sa mga residente.
Nabatid na maraming mangingisda sa Oriental Mindoro ang naapektuhan ang pamumuhay dahil ipinagbawal muna ang paghuli, pagbebenta at pagbili ng mga pagkaing dagat sa mga lugar na apektado ng oil spill.
Pahayag ni DSWD Secretary Rex Gahalian, kabilang sa kailangang tulungan ay ang mga apektadong residente sa mga bayan ng Bansud, Bongabong, Bulalacao, Gloria, Naujan, Pinamalayan, Pola at Roxas sa Oriental Mindoro; Caluya sa Antique at Agutaya sa Palawan.
Sabi naman ni Loyzaga, mayroon nang P60 milyon na nailaan para sa cash-for-work program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).