Inihayag ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagpapatuloy ang kanilang assistance at information campaign.
Ito’y upang ma-educate at mahikayat ang mga subscriber na iparehistro ang kanilang mga SIM kung saan umabot na ito sa senior citizens na mga residente ng Barangay Tugatog sa Malabon City.
Nabatid na sa event na naka-live stream sa Facebook na tinawag na “Kuwentuhan sa Simbahan” ay iprinisinta ang mahahalagang features ng Republic Act No. 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act sa harap ng senior citizens mula sa mga lungsod ng Malabon at Caloocan.
Sinasabing sinagot sa aktibidad ang iba’t ibang tanong at concerns ng mga senior citizen tungkol sa Data Privacy at maging ang proseso ng pagrerehistro ng SIM.
Kasabay nito, tiniyak ng NTC sa mga dumalong nakatatanda na ang kanilang personal information ay protektado ng SIM Registration Law.
Napag-alaman na ang event ay inorganisa ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Pahayag ng NTC, hanggang noong Marso 9 ay mayroon nang 42.7 million successful SIM registrations na kumakatawan sa 25.24% ng kabuuang 168 million active SIM subscribers.