Halos 54 billion pesos ang naipalabas ng Pag-IBIG bilang cash loans o short term loans nuong nakalipas na taon.
Ayon sa Pag-IBIG, ang nasabing cash loans nuong 2022 ay napakinabangan ng mahigit dalawang milyong miyembro ng Pag-IBIG na siyang pinakamataas o record high beneficiaries.
Para sa taong 2022, ipinabatid ng Pag-IBIG na itinaas nito sa 21% ang mahigit siyam na bilyong piso ang inilaan para sa short-term loans kumpara sa mahigit 44 billion pesos na kabuuang loan nuong 2021.
Dahil tumaas ang ipinalabas na cash loan ipinagmalaki ng Pag-IBIG na mas marami rin ang miyembrong natulungan o nadagdagan ng 24% ang mga nakinabang sa short term loans nuong nakalipas na taon.
Binigyang-diin ni Secretary Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at 11 member Pag-IBIG Fund Board of Trustees na tuluy-tuloy ang pagpapaigting nila sa mga hakbangin para makapagbigay ng magandang serbisyo sa mga miyembro ng pag ibig partikular sa pamamagitan ng short term loan program ng ahensya.
Bahagi rin naman aniya ito ng direktiba ng Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na ibigay sa mga Pilipino ang anito’y the best service.
Nasa ilalim ng Short Term Loan Program ang Multi-Purpose Loan (MPL) na napakinabangan ng mahigit dalawang milyong miyembro nuong isang taon at calamity loan na halos tatlong daang libong miyembro ang nakapag avail.
Ayon kay Pag-IBIG Chief Executive Officer Marilene Acosta ang pagiging reliable at mabilis na access sa pag- avail sa MPL at calamity loan ang pangunahing nagtutulak sa matatag na paglago ng Pag-IBIG.