Lalo pang nagmahal ang bigas sa ilang palengke sa Metro Manila.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), dalawa hanggang limang piso ang itinaas ng kada kilo ng bigas.
Nangangahulugan ito na nasa 60 pesos na ang kada kilo ng pinakamahal na bigas sa mga palengke.
Naglalaro na sa 50 hanggang 58 pesos ang kada kilo ng imported commercial rice na special; 43 hanggang 52 ang premium; 40 hanggang 46 ang well-milled at 37 hanggang 44 pesos ang regular milled.
Sa local commercial rice naman, nasa 48 hanggang 60 pesos na ang special; 42 hanggang 49 ang premium; 38 hanggang 46 ang well-milled at 34 hanggang 40 pesos ang kada kilo ng regular milled.
Inihayag ng samahang industriya ng agrikultura na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay dulot ng mahal na pataba at langis.
Nilinaw ni SINAG Chairman Rosendo So na hindi lang sa pilipinas nagmahal ang bigas kundi maging sa Thailand, Pakistan, Vietnam at India habang tumaas din sa $100 per metric tons ang world market price.
Dahil dito, muling iginiit ni So na maaaring hindi pa kayanin ang 20 pesos na kada kilo na bigas na ipinapangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at posibleng matagalan pa bago makamit.