Ipinagmalaki ng Department of Budget and Management (DBM) na naglaan ito ng mahigit P1.4 bilyong pondo para sa strategic programs ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong taon na magbibigay ng trabaho sa mga kabataang Pilipino.
Ginawa ang hakbang kasunod na rin ng direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na mamuhunan sa labor workforce.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, kasama sa mga bubuhusan ng pondo ang Government Internship Program, Special Program for Employment of Students, at Job Search Assistance na tulong na rin ng administrasyon para maihanda ang mga Filipino youth sa aktuwal na trabaho.
“In our goal of attaining progress and prosperity, we believe that having a healthy, productive, and equipped workforce will play a great role. That’s why President Ferdinand Marcos Jr. directed us to give prime importance in investing in our labor workforce, especially the youth,” ani PangaNdaman.
Sa ilalim ng 2023 National Budget, aabot sa P708 milyon ang inilalaang pondo ng DOLE para sa Government Internship Program, P108 milyon para sa Job Search Assistance program, at P769 milyon naman sa Employment Facilitation Program, kabilang ang P585 milyon para sa Special Program for Employment of Students.
Naka-angkla sa programa ang tatlong six-month internship opportunities para sa mga deserving high school, technical-vocational, at college graduates na gustong magtrabaho sa gobyerno.
Tinatayang 12,000 ang target beneficiaries ng pamahalaan.