IPINAGMALAKI ng Bureau of Plant Industry (BPI) na puspusan na ang paghahanda ng pamahalaan ang mga lugar na posibleng lubhang tatamaan ng El Nino.
Sinabi sa Laging Handa public briefing ni BPI spokesperson Jose Diego Roxas na namemeligrong malanta ang mga pananim kaya’t nakaposisyon na ang buffer stock na mga buto.
Ayon kay Roxas, magsisilbi itong production support at gagamitin sa replanting kung kinakailangan sakaling tumama ang matinding tagtuyot.
Bagamat nakapaglabas na aniya ng advisory ukol sa El Niño Watch, sinabi ni Roxas na wala pa namang report kung anu-anong mga lugar ang mga maaapektuhan.
Aniya, normal pa naman ang rehiyon ng Mindanao at iba pang mabababang bahagi ng bansa na nakararanas ng normal na mga pag-ulan.
Gayunman, ibinabala ni Roxas na may mga lugar nang nakakaranas ng kakulangan ng suplay ng tubig, partikular sa hilagang dako ng bansa, kabilang na rito ang Luzon at ilang parte ng Kabisayaan.