Pumasok na rin maging ang Leyte Provincial PNP sa imbestigasyon hinggil sa nadiskubreng nabubulok na mga relief goods na ibinaon sa isang open dumpsite sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Dagami PNP Station Commander Inspector Anthony Florencio, batay sa kanilang impormasyon, tuwing gabi itinatapon ang mga nabubulok na relief goods.
Gayunman, nananatiling tahimik ang mga opisyal ng barangay gayundin ang pamunuan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa lalawigan.
Una rito, ilang tipsters na ang nagsabing nagmula sa bodega ng National Food Authority o NFA at DSWD ang mga itinapong relief goods para sa mga biktima sana ng super bagyong Yolanda noong 2013.
Gayunman, ayaw kumpirmahin ito ni Florencio at mas mainam pa munang magsagawa ng imbestigasyon kaysa gumawa ng mga haka-haka.
By Jaymark Dagala