Tiniyak ng Manila Police District ang kahandaan ng kanilang mga tauhan para sa pagdiriwang ng araw ng paggawa o Labor Day sa Mayo a-primero.
Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, nakatakdang I-deploy ang mahigit isang libong pulis na ipakakalat para magbabantay sa inaasahang kilos protesta ng ilang grupo sa Metro Manila.
Kabilang sa mga lugar na imo-monitor ng mga pulis ang Mendiola sa Maynila, Malacañang, US Embassy, Welcome Rotonda, Supreme Court, Department of Labor and Employment maging ang mga Freedom Park.
Magsasagawa din ng checkpoints kasabay ng pagroronda ng mga pulis sa iba pang lugar na posibleng may pagtitipon o protesta sa araw ng paggawa.
Bukod pa dito, makikipag-ugnayan din ang MPD sa mga alkalde ng lungsod at iba pang ahensya ng gobyerno maging sa mga pribadong sektor upang ipatupad ang area security check, crowd control, civil disturbance management, traffic direction and control, at emergency preparedness and response kung kinakailangan.
Layunin ng MPD na matiyak ang seguridad at peace and order sa lahat ng lugar na pagdarausan ng kilos protesta.