Minamadali ng gobyerno ang hakbang nito para masolusyonan ang problema sa suplay ng kuryente sa Negros at Panay.
Ito ang tiniyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa panayam sa kanya ng media.
Sinabi ng Pangulo na ang ugat ng problema ay ang distribution system.
Base aniya sa mga ulat noong nakaraang linggo ay nakaranas ng power outages sa Guimaras, Panay, at Negros.
Tiniyak din ng Pangulo na gumagawa ng paraan ang administrasyon para maisaayos ang water at power consumption ng bansa.
Matatandaang tinugunan agad ng administrasyong Marcos ang power crisis sa Occidental Mindoro matapos paganahin ang tatlong power stations para masiguro ang 24-hour electricity power service sa lalawigan.
Sa ulat ng Malakanyang sa National Electrification Administration (NEA), si NEA chief Antonio Mariano Almeda ay nakipagpulong
kay Luis Manuel Banzon, ang may-ari ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) para talakayin ang mga remedyo sa nararanasang power crisis sa probinsya.
Nabatid na napagkasunduan sa pulong ang pagpapagana sa tatlong power stations ng OMCPC para matugunan ang problema sa power supply.