Bumaba na ang presyo sa kada kilo ng manok, baboy, at gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Sa pag-iikot ng DWIZ sa Marikina Public Market, bumaba ng halos 40 piso ang presyo sa kada kilo ng manok kung saan, mula sa dating 170 hanggang 180 pesos kada kilo, bumaba na ito sa 146 pesos per kilo.
Nabawasan naman ng mahigit 20 piso ang kada kilo ng baboy kung saan, mula naman sa dating 380 pesos kada kilo, bumaba na ito sa 360 pesos.
Ganito din ang naging presyuhan sa Pasig City Public Market kung saan, bumaba naman ang halaga ng mga gulay.
Ang mga talbos at kakong na dating bente pesos kada tali ay mabibili nalang sa 10 piso.
Nasa 35 hanggang 40 pesos naman ang presyo ng kada kilo ng sayote habang 15 pesos naman per kilo ang kamatis.
Mabibili din sa halagang bente pesos ang kada tatlong piraso ng sibuyas at bawang.
Para naman sa mga nagtitipid at kaunti kung bumili, maaari nang makabili nang hanggang 10 piso kada 1/4 sa siling pula at berde o yung pang-sigang.
Ayon sa mga mamimili, malaking tulong ang mababang presyo ng bilihin sa merkado dahil mas mapapagaan nito ang kanilang gastusin.