Nanawagan sa kanilang mga subscribers ang isang telecommunications company (telco) na magpa-register na ng kanilang subscriber identity module (SIM).
Ayon sa Globe Telecom, Inc., dapat magprehistro na ang mga tagasubaybay ng Globe at TM at huwag nang hintayin ang last minute para rito.
Nabatid na kung registered ang SIM, maaari itong ipa-block kung sakaling mawala o manakaw ang cell phone. Sa ganitong paraan, hindi maa-access ng mga kriminal ang personal information na nasa SIM at mga account at apps na nasa device.
Maliban dito, sinasabing maiiwasan din na maging biktima ng mga spam at scam text messages at malaking tulong ito para sa peace of mind ng mga subscribers.
“At siyempre kung registered ang SIM, tuloy-tuloy n’yong mae-enjoy ang mobile services at magagamit ang inyong number para sa online transactions at pag-book ng mga delivery at ride-hailing services, atbp. Tuloy-tuloy din kayong makatatanggap ng urgent reminders mula sa government agencies,” ayon sa kompanya.
Para naman sa mga prepaid, TM, at Home Prepaid WiFi users, maaaring gamitin ang GlobeOne app o pumunta sa kanilang website.
Kung may fully-verified GCash account, maaari na ring mag-register ang mga Globe Prepaid at TM users gamit ang app kung saan may libre pa itong 1GB na data pagkatapos ng registration.
Napag-alaman na ang mga Postpaid at Platinum users naman ay naisama na sa SIM registration database.
“Tandaan, ang pagpaparehistro ng inyong SIM ay para sa inyong kaligtasan. Huwag hintayin na maging huli ang lahat. Magparehistro ng inyong SIM bago matapos ang extended deadline sa Hulyo 25,” dagdag pa ng telco.