Mas pinaigting pa ng Climate Change Commission PH (CCC) ang pagpapatupad ng mga istratehiya na layong maibsan ang greenhouse gas (GHG) emissions at iba pang human drivers ng global warming sa pamamagitan ng pagbabawas ng karbon.
Ito’y matapos lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang CCC at National Power Corporation (NPC) na nagpapahiwatig ng commitment ng komisyon na maisulong ang Nationally Determined Contribution (NDC) ng 75 percent GHG emissions reduction ng Pilipinas at maiwasan ito hanggang 2030.
Ang MOA signing ay pinangunahan kamakailan nina CCC Vice Chairperson at Executive Director (VCED) Robert Borje at NPC President Fernando Martin Roxas.
Bahagi rin ito ng itinataguyod ng gobyerno na Carbon Neutrality Program (CNP), isang climate change mitigation strategy sa pamamagitan ng nature-based solutions.
Sa ilalim ng CCC-NPC partnership, isinusulong din ang rehabilitasyon ng mga nakakalbong kagubatan, kabilang ang streambank na natukoy ng NPC na nasa Caliraya-Lumot Watershed Forest Reserve (CLWFR), sa pamamagitan ng reforestation ng 25 ektaryang lupain sa Paete, Laguna.
Bukod dito, isinusulong din ang proteksiyon at paglalatag ng reforestation project sa CLWFR at pagsuporta sa iba pang climate change-related initiatives ng CCC.
“We hope that this MOA can be a model agreement that may be adopted by local government units, NGAs, and private sector. This approach has clear and measurable targets, and will help steer all stakeholders towards concrete results through smaller carbon footprints of organizations, agencies, and communities,” pahayag ni Borje.