Nagisa sa Senado ang National Grid Corporation of the Philippines matapos ang aberyang kinasangkutan nito kaugnay sa kakulangan at pagkaantala ng suplay ng kuryente sa Luzon grid at iba pang mga lalawigan.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinermunan ni Senator Raffy Tulfo, Chairperson ng Komite, ang mga tauhan ng NGCP, isang private company na namamahala sa transmission ng kuryente sa Pilipinas.
Ayon sa senador, 95% sa kita ng NGCP ay napupunta lamang sa bulsa ng mga shareholder at hindi sa pagpapaunlad ng kanilang serbisyo sa taumbayan.
Naniniwala ang senador na may nagaganap na pangangamkam ng salapi sa korporasyon kung saan ang nagawang pagkakamali ng NGCP ay posibleng magdulot ng pag-revoke o tanggalan ng prangkisa ang kanilang kumpaniya.
Iginiit ni Sen. Tulfo na sakaling alisin ang prangkisa ng NGCP, kailangang magkaroon ng smooth transition at ipaubaya sa gobyerno ang pamamahala dito sa pamamagitan ng National Transmission Corporation.