Inihain na sa kamara ni Ilocos 1st District Rep. Ronald Singson ang panukalang batas na layuning itaas ang speed limit sa mga expressway.
Ayon kay Singson, kailangan ng i-adjust ang maximum speed limits sa mga toll roads, lalo’t ang kasalukuyang standards ay batay sa mga batas noon pang 1984.
Mula sa kasauluyang 80kph para sa mga bus, nais ng kongresista na itaas ito sa 120kph maximum speed limit habang 100-140 kph para sa ibang sasakyan.
Nagbago na rin naman anya ang safety features ng mga sasakyan ngayon at maaari nang tumakbo ang mga ito nang mas mabilis at ligtas.
Aminado ang kongresista na sinubukan na niyang mag-drive sa bilis na 140 kph sa isang expressway mula Balintawak hanggang Pangasinan.
Bagaman suportado ng ilang government agencies, gaya ng Land Transportation Office ang panukala, dapat din anilang magpatupad ng mas mahigpit na road safety measures upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista.