Bago ang sine die (si-ne-je) adjournment, dalawa pang panukala ang prayoridad na isabatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC ang ipapasa ng kamara.
Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na ihahabol nila ang pagpasa sa panukalang Philippine Salt Industry Development Act at Bureau of Immigration Modernization Act.
Ayon kay Speaker Romualdez, layunin ng Philippine Salt Industry Development Act na buhayin ang naghihingalong industriya ng asin sa bansa at mabawasan ang pag-angkat nito.
Malapit na anya nilang matapos ang pagpasa sa lahat ng priority measures dahil na rin sa sipag at tiyaga ng mga kongresista.
Kapag naaprubahan ng kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang mga nabanggit na panukala ay tatlumpu na sa apatnapu’t dalawang prayoridad ng LEDAC ang natapos ng kamara wala pang isang taon mula ng manungkulan si Romualdez.