Sa gitna ng mga hamon sa Fraternal Order of Eagles, nanawagan ng pagkakaisa ang bagong talagang gobernador ng National Capital Region (NCR) 84th Region na si Jenzen “Zentur” Turica.
Sa ginanap na Chartering and Induction ng regional officers ng Eagles NCR 84th Region, nanawagan si Turica sa lahat ng mga “Kuya” at “Ate” na maging mahinahon sa mga panahong ito bunga ng napaulat na hindi pagkakaunawaan sa kanilang hanay na nagresulta sa pagkakabuo ng panibagong paksyon sa organisasyon.
Matatandaang kinikilala ng Eagles si Nelson Sarapuddin bilang halal na national president ng kapatiran habang kinikilala naman ni Turica ang lahat ng grupo na naka-angkla sa kanila lalo pa’t iisa lang naman aniya ang hangarin ng mga ito tulad ng pagtulong sa taumbayan at sa mga nangangailangan.
Naniniwala si Turica na magkakaroon ng magandang resulta ang kanilang pagsisikap na mapagkasundo ang bawat paksyon at mapag-isa muli ang organisasyon bilang iisang samahan.
Samantala, kinilig naman ang mga dumalo sa aktibidad sa Okada Manila nang mag-alok ng kasal si Turica kay chartered vice president O.E.Q.L.E.C. Shyne Dulay.
Kabilang naman sa mga dumalo sa event sina Sarapuddin, Eagles Executive National Vice President Ronald Delos Santos, Sen. Cynthia Villar, ret. Col. Bong Nebrija, Usec. Epimaco Densing III, Cong. Jose Bong Teves Jr., dating Usec. Astra Pimentel, dating Cong. Butch Dumpit, dating Gov. ER Ejercito, Philip Salvador, Mayor Raymond Tongson, at iba pang mga opisyal ng gobyerno.