Umaasa si Senate President Juan Miguel Zubiri na mabibigyan ng tsansa ang Maharlika Investment Fund Bill dahil inaasahang magpapasigla ito sa ekonomiya ng bansa at lilikha ng trabaho.
Batay aniya sa pag-aaral, naging matagumpay at lumago ang ekonomiya ng mahigit 90 bansa dahil sa kanilang Sovereign Wealth Fund.
Iginiit pa ni Senate Pres. Zubiri, na kaya pumalpak ang Sovereign Wealth Fund sa Malaysia ay dahil talagang racketeer o tiwali ang nangasiwa sa pondo.
Binigyang diin pa nito na hindi dapat ikabahala ng mga nagsasabing mamemeligro ang pera ng publiko dahil naglagay naman ang kongreso ng safeguards kontra sa pag-abuso sa MIF bill.
Sinabi pa ni Senate Pres. Zubiri na mahigpit ding magbabantay sa pondo ang magiging internal at external auditors nito, maging ang Commission On Audit at kongreso.
Nakasaad din aniya sa panukala na makukulong ang sinumang mananamantala sa pondo. - sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19).