Para mawala ang kultura ng pagiging pala-asa sa ayuda ng gobyerno, oobligahin na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng P40-B food stamp project na magtrabaho.
Ayon kay DSWD Undersecretary Eduardo Punay, hihingian nila ang 1-M benepisyaryo ng mga certificate mula sa Department of Labor and Employment at technical education and skills development authority bilang patunay na gumagawa sila ng paraan para magkaroon ng trabaho.
Magbibigay anya sila ng subsidiya sa pagkain kada araw para magamit ng mga benepisyaryo ang matitipid na pera para sa transportasyon o sa mga training habang naghahanap sila ng trabaho.
Ipinunto ni Usec. Punay na sa ganitong paraan ay mababawasan ang kultura ng pagiging palaasa ng mga benepisyaryo sa tulong mula sa gobyerno.
Kabilang sa mga programa ng DOLE ay ang palagiang ‘Job Fairs’ at ang Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers program (TUPAD).
Ilan naman sa programa ng TESDA na maaaring lahukan ng mga benepisyaryo ang ‘Vocational at Skills Training’ para sa mga hindi makapag-aral sa kolehiyo at requirements sa trabaho.