Nagsanib-puwersa ang Bangko Sentral ng Pilipinas at SM store para ikasa ang kauna-unahang coin deposit machines.
Kasunod na rin ito nang pagde-deploy ng BSP at SM store ng unang coin deposit machines sa sm store sa SM Mall of Asia simula kahapon.
Ang naturang hakbangin ay bahagi nang pagpapalakas ng BSP sa coin circulation program nito para I-promote ang financial inclusion at digitalization kaya’t sa pamamagitan ng mga nasabing coin deposit machines ay maaaring mag-deposit ng kanilang mga barya ang SM shoppers at maidadagdag ang halaga ng mga baryang ito sa kanilang e-wallets o uubrang I-convert ito bilang vouchers na mare-redeem sa SM store outlets.
Ayon kay SM Retail Vice President for Treasury Jeffrey Ang, napakahalaga ng mga barya na katumbas na rin ng mga peso bills kaya’t dapat I-save o ilagay ang mga ito hindi sa mga wallet, alkansya, drawer o kaya naman ay maitapon na lamang kundi mai-convert nga ang mga ito at maging instrumento ang SM malls para maihulog ang mga baryang ito sa coin deposit machines.
Sinabi naman ni BSP Governor Felipe Medalla na tiwala silang sa tulong ng coin deposit machines sa SM malls ay matutugunan ang artificial coin shortage na kadalasang nararanasan sa mga lalawigan.
Naniniwala aniya silang makikinabang sa game changing project na ito ang mga Pilipino bagama’t mas marami pa silang ikakasang enhancements sa tulong na rin ng kanilang partners at stakeholders.
Ang idineploy na coin machine sa SM MOA ay isa lamang sa 18-coin deposit machines na magiging available sa SM stores at SM supermarkets sa mga susunod na araw.
Kabilang sa mga nanguna at sumaksi sa pag-deploy ng kauna-unahang coin deposit machine sina SM Supermalls SEnior Vice President for Marketing Jonjon San Agustin, SM Supermalls President Steven Tan, BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, SMIC Vice Chairperson Tessie Sy-Coson, BSP Governor Felipe Medalla, BSP Deputy Governor Bernadette Puyat, SM Retail Director Ricky Lim, SM Store Executive Vice President Dhinno Tiu, at SM Retail Vice President of Treasury Jeffrey Ang.
Una nang lumagda ang BSP sa isang memorandum of agreement sa SM at iba pang retailers para sa deployment ng coin deposit machines sa kani-kanilang malls na siyang simula nang paglalagay ng paunang 25 coin deposit machines sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Nuong isang taon ay nakipag-partner din ang SM sa BSP nang ilunsad nito ang cashless malling initiative na nakatulong mapaigting ang digital transactions at isulong ang financial inclusion sa bansa.
From L-R: SM Supermalls Senior Vice President for Marketing Jonjon San Agustin, SM Supermalls President Steven Tan, BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan, SMIC Vice Chairperson Tessie Sy-Coson, BSP Governor Felipe Medalla, BSP Deputy Governor Bernadette Puyat, SM Retail Director Ricky Lim, SM Store Executive Vice President Dhinno Tiu, and SM Retail Vice President of Treasury Jeffrey Ang