“Love the Philippines.”
Ito ang bagong slogan na inilunsad ng Department of Tourism kasabay ng pagdiriwang ng ika-limampung anibersaryo nito.
Pinalitan nito ang dating ‘It’s More Fun in the Philippines’ tourism slogan na ginamit ng bansa mula noong 2012.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, layon ng bagong slogan na mapagkaisa ang mga Pilipino sa pagtataguyod at pagpapakita ng pambihirang kagandahan, kayamanan ng kultura, at iba pang handog sa turismo ng Pilipinas.
Binigyang diin pa ng kalihim na higit pa sa ”fun” at ”adventure” ang bansa.
Hinimok naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga Pilipino, na magsilbing tourism ambassador at top influencers, lalo na sa panahon ng social media.
Nangako rin ang Pangulo na patuloy nitong isusulong ang sektor ng turismo sa pamamagitan ng paglikha ng trabaho at mga oportunidad at economic activities.