Sinentensiyahan ng Sandiganbayan ng hanggang 7 taong pagkakakulong si Dating Puerto Princesa Mayor, Palawan Mayor Edward Hagedorn.
Ito’y dahil sa kabiguan nitong isauli ang 14 na assault rifles na pag-aari ng lokal na pamahalaan.
Batay sa hatol ni Associate Justice Ronald Moreno, napatunayan ng anti-graft court na guilty si Hagedorn sa kasong malversation kaya’t ‘perpetually disqualified’ o bawal na itong humawak ng anumang posisyon sa gobyerno. Pinatawan din ito ng multa na nagkakahalaga ng P490,000.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Mayor Lucio Bayron kung saan isiniwalat nito na sa dalawampung assault rifles ay anim lamang ang naisauli ni Hagedorn matapos ang kanyang termino bilang alkalde noong 2013.
Bukod dito, napatunayan din ng korte na ang mga isinauling armas ni Hagedorn ay “tampered” ang mga serial numbers at hindi ito ang mga orihinal na inisyu sa kanya.