Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez ang agarang pag-apruba sa panukala na makatutulong sa kampanya ng gobyerno laban sa smuggling lalo na sa mga produktong pang-agrikultura, tulad ng sibuyas.
Ang Anti-Agricultural Smuggling Act ay isa sa mga panukala na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na agad maisabatas at napagkasunduan na ipaprayoridad sa nakaraang pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council.
Sa pulong ng Ledac noong Miyerkoles, napagkasunduan na gagawing prayoridad ng Kamara at senado ang pagpasa sa dalawampung panukala bago matapos ang taon.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang pagsasabatas sa mga nasabing panukala ang magsasaayos sa mga mekanismo at magbibigay ng karagdagang mabigat na parusa laban sa mga sangkot sa smuggling ng agricultural products.
Una nang inatasan ni Pangulong Marcos ang D.O.J. at N.B.I. Na tugisin ang mga smuggler ng sibuyas at iba pang agricultural products at sundan ang resulta ng imbestigasyong ginawa ng House Committee on Agriculture and Food.